Friday, November 25, 2011

Ginintuang Jubileo


Homily of Most. Rev. Archbp. Luis Antonio G. Tagle, D.D., S.T.D. during the Golden Jubilee Mass of the Diocese of Imus at Imus Cathedral.


Nahipan na po ang tambuli, nabuksan na ang banal na pintuan.
Mga minamahal na kapatid sa Diyosesis ng Imus,

Ginintuang Jubileo na nga.



Mapalad ang mga mata natin, nakita natin ang oras na ito.
Mapalad ang ating mga tainga, naririnig natin ang mga himig, ang mga panalangin, ang kampana.
Mapalad ang ating mga katawan, nadarama ang presensya ng libu-libong tao na ibig salubungin ang bagong araw na ito.

Mga kapatid, lalo na po doon sa mejo may kalayuan na hindi makaupo, "nakikita nio ba kami?", "nararamdaman nyo ba si Jesukristo? "

people: "Yes"

Jubilee na nga...

Aaminin ko po sa inyo, hindi ko po alam kung ano ang laman ng aking isip at kalooban, kaya pasensya na ho kayo kung parang walang magiging direksyon ang aking pagbabahagi.


Limampung taon bilang diyosesis, parang napakaikli kung ikukumpara sa napakalawak na kasaysayan ng Cavite at ng pagdating ng pananampalataya kay Kristo dito sa ating lalawigan. Kaya hindi po natin dapat ilayo at ihiwalay ang limampung taong ito sa mas malawak na kasaysayan ng pag-asa, pighati, pakikibaka at tagumpay ng ating mga ninuna sa pananampalataya at mga ninuno dito sa pagiging makabayan.

Wala ang limampung taong ito kung huhugutin ito ng walang kaugnayan sa mahigit 400 taon ng pagsibol, pagunlad, at pamumunga ng pananampalatayang kristyano dito sa pinagpalang bayan ng Cavite.

At ayon po sa unang pagbasa, Tuwing 50 taon sa kostumbre ng mga hudyo, hinihipan ang tambuli upang maging hudyat na taon na ng paglaya.
Paglaya sa kaalipinan.
Paglaya sa kasalanan.

Kaya nga ito'y taon ng Panginoon, dahil lahat ng sumisiil sa buhay at sa pagkatao ay pinupuksa sa pagbabagong loob, sa pagbabalik sa panginoon. At pag bumabalik ka sa panginoon,
babalik ka sa kapwa,
babalik ka sa mga dukha,
babalik ka sa kapos palad,
babalik ka sa lipunan,
babalik ka sa kalikasan.
Upang ang lahat, sabi ng ikalawang pagbasa, ay mapag-isa sa panginoon. Hindi na hati-hati, hindi kanya-kanya, napalaya na, kaya ang kabutihan, ang Diyos, ang pag-ibig ang namamayani kya magiging isa ang lahat.


Sa atin pong pagtanaw sa ating kahapong kay yaman, napakarami po tayong nakitang magagandang bagay na ginawa ng diyos at ng ating kapwa at nakita rin natin kung saan tayo kailangan pang lumaya. Ang mga bagay na kailangan nating ihingi ng tawad. At itong taon ng Jubileo, lalo na po sa pagbibigay sa atin, sa mga piling simbahan, ng plenary indulgence,
 kung tayo po ay magsisisi,
kung tayo po ay mangungumpisal,
kung tayo ay magdarasal,
talagang lalaya tayo.

Biruin ninyo kung ang kulang-kulang 3 milyong katoliko dito sa Cavite, sa buong taong ito ay magiging malaya sa kasalanan at mangangako na isasabuhay ang diwa ng Jubileo, ang Cavite ay magiging paraiso. Bababa ang langit, nandito na sa Cavite. Tunay nga na ang pananahan ng Diyos ay matatagpuan natin dito sa ating mga bayan kung tunay tayong mgpapalaya sa Diyos sa taon ng Jubileo.


Pero ang Jubileo po ay hindi lamang pagbilang ng taon.

Sa ebanghelyo, nakita natin si Hesus, puspos ng Espiritu Santo, taga Nazareth.

Isang bayang maliit at minamaliit. Siguro ho ay nakita nio sa ebanghelo ng sinabihan si Nathanael na "nakita na namin ang mesiyas"
"sino?" ika niya,
"Si Hesus na taga Nazareth", ang sagot agad ni Nathanael ay, "Mayroon bang mabuting manggagaling sa Nazareth?"


..............
.............


Anong mabuting manggagaling sa Nazareth?

Subalit doon, babae na taga-Nazareth at sa kanyang anak ibinuhos ng lubus-lubusan ang Espiritu Santo at siya si Hesus ang naging Jubileo.

Ang Jubileo ay hindi lamang taon sa kalendaryo, para sa atin, siya ay ang buhay na panginoon, Siya na nagsabi, "Ang Espiritu ay nasa akin" kaya magdadala ako ng mabuting balita sa mga dukha,
paglaya sa mga bihag,
at taon ng pagpapala na nagmumula sa Diyos.

Sa landas ni Hesus matatagpuan ang Jubileo.
Si Hesus po ang ating daan, sagisag ng "pinto" na ating daraanan.
Siya ang daan patungo sa buhay,
Siya ang daan patungo sa katotohanan,
Siya ang ating kalayaan.

Kaya po ang taon na ito ay hindi magiging ganap na Jubileo kung hindi po tayo, bilang isang Diyosesis, bilang isang probinsya ng Cavite, ay muli, muli't muling tatahak sa kanya,
papasukin siya,
papasukin ang kanyang isip, puso at pagkatao,
papasukin ang kanyang Espiritu,
papasukin ang kanyang misyon.
At lahat tayo ay magiging daan ng paglaya.


Sa pagdaan po natin sa landas na si Hesus, tayo'y magkakarakol, sa tulong ng mahal na ina na napuspos din ng Espiritu Santo at nagsilang kay Hesus na Jubileo. Si Hesus na nagsabing, "Lahat ng ito'y natutupad sa pakikinig ninyo sa akin",
ang babaeng ito ng Jubileo,
ang babaeng nagsilang kay Hesus,
ang ating ina.

Hindi po tayo maliligaw ng landas kung tayo lamang po ay magsasabuhay ng tunay na diwa ng Jubileo.

Lalaya ang mga bihag.
Ang dukha, makakarinig ng mabuting balita mula sa pusong malaya na umibig tulad ni Hesus.


Mga kapatid,
Ang tambuli ay nahipan na, tayo po ay mag-KaRaKol, masaya, masigla, JUBILEO na.