Kada linggo ganoon ang aming ginagawa. Noong naging high school na ako hanggang naging estudyante sa kolehiyo, Sunday nalang kami nakakapunta. Kahit nagtrabaho na ako ganun parin. Kung wala din namang importanteng gagawin o lakad pag weekend sigurado napunta ako doon. Masasabi kong halos lahat ng weekend ng buhay ko nandon ako.
Nakakasabik umuwi sa bahay na yon. Di ko alam kung bakit pero hindi kumpleto ang linggo ko pag hindi nakakauwi doon. Isa lang ang dahilang nakikita ko kung bakit ako masaya, kung bakit ako naeexcite pumunta kasi nandoon ka. Nandoon ka na tatay namin.
Naalala ko pag hindi kami nakakapunta sayo ng weekends, pagpasok namin ng Lunes sa school makikita kita sa may gate nagaantay. Bibigyan mo ako ng pambaon o kya minsan sa hapon ka pumupunta iniintay mo ang pag-uwi ko tapos kakain tayo sa kung saang malapit na makakainan tapos uwian na. Uwi na ako sa bahay namin tapos uwi ka na din.
May mga araw din na sinasama mo ako bumili ng gamot mo o kaya pumunta sa banko tapos kakain tayong dalawa. Halos lahat ng hingin ko binibigay mo pati panglaro sa video games binibigyan mo ko.
Minsan naman kapag napapainom ka kasama ang mga kaibigan mo, sinasamahan kita. Kahit gabihin ka at malasing kasama mo ako. O kaya kapag gabi na at wala ka pa, halos buong baranggay iikutin ko para makita ka. Sabay tayo uuwi. Minsan mautak ka papatulugin mo ko tapos aalis ka ulit kaso magigising naman ako para sundan ka.
Pinag-aral mo ako noon tumugtog ng saxophone kasi gusto mo maging musikero ako. Kamukha daw ako ng tatay mo kaya gusto mo sax ang hawak ko kasi sax player din sya. Nakita ko natutuwa ka kapag nagppraktice ako, naexcite ka din noong unang beses na napatunog ko yung instrumento. Alam ko masaya ka kaso dumating ang oras na umayaw ako. Nabigo kita pero wala ako narinig mula sayo. Pagdating ko ng highschool ganun din, sinubukan mo pag-aralin ako, clarinet naman. Ikaw pa mismo ang pumupunta sa bahay nung magtuturo sakin kahit mejo malayo sa inyo para lang masiguro mo na maturuan ako. Pero muli, binigo kita.
Hanggang sa pumasok ako ng kolehiyo. Pumunta parin ako sayo pag Linggo. Pagdadating ko ipaghahanda mo na agad ako ng breakfast. Kapag wala, lalabas ka para ibili ako. Aasikasuhin mo ako na parang bisita. Pag may bago kang damit imbes na isuot mo ibinibigay mo sakin. Ramdam ko kung paano ka magmahal.
Kapag may okasyon lalo na pag Pasko hindi kumpleto pag hindi ako pupunta sayo. Di ka nagbibigay ng pamasko kasi wala ka naman trabaho pero ako binibigyan mo ng patago para hindi nila makita. O kaya naman kapag Undas tayo lage magkasama, sabay tayo napunta sa puntod ni nanay tapos sabay din tayo uuwi. Habang pauwi ittreat mo ako sa may hidden tapsihan, tayong dalawa lang hindi alam nung iba. kahit nagttrabaho na ako gusto mo ikaw parin magbabayad.
Nung pumasok ako sa seminaryo, nilihim ko sayo. Di ko kasi alam kung matutuwa ka sa ginawa ko. Yung linggo-linggo na nagkikita tayo biglang nawala. Pag nakakauwi ako gusto kitang puntahan kaso di ako handa na ipaalam sayo na nasa seminaryo na ako. Lagi mo daw tinatanong bakit di ako napunta, alam ko tay miss mo din ako.
Nitong huling pasko ramdam ko na miss mo ako. Kasi pagkita mo sakin niyakap mo ako ng mahigpit, di mo naman yun ginagawa dati.
Dami kong ala-ala sayo. Mga pangaral, mga karanasan kasama ka at higit sa lahat yung pagmamahal mo.
Tahimik kang tao, sayo ko ata namana ang pagiging tahimik. Simpleng tao ka lang di nga ata kita nakita nagsuot ng mamahaling damit. Kapag meron ka minsan binibigay mo pa sakin. Pati mga masasarap mong luto lagi kong maaala-ala. Tahimik ka lang pero the most genuine gestures of love nakita at nadama ko sayo.
Ngayong wala ka na Tatay di ko alam kung paano ko malalagpasan ito.
Noong mga panahon na hindi tayo nagkikita sabi nila lagi mo daw ako hinahanap, lagi mo daw ako iniintay kung kelan ako dadalaw ulit sayo. Pati iba mong kapitbahay tinatanong mo kung nakkikita nila ako pag linggo. Merong hindi ko kilala bigla ako binati at sinabi lagi mo nga daw ako hinahanap.
Akala ko maraming hindi alam na nasa seminaryo ako yun pala pati mga kaibigan mo pinagkwentohan mo na nagpapari ako. Sabi nila masaya ka daw nung nalaman mo.
Akala ko maraming hindi alam na nasa seminaryo ako yun pala pati mga kaibigan mo pinagkwentohan mo na nagpapari ako. Sabi nila masaya ka daw nung nalaman mo.
Hindi ko inakala ganon mo pala ako kamiss. Dami ko pa naman sanang plano, isasama pa kita sa seminaryo sa family weekend namin tapos ipaparinig ko din sayo na marunong na ako tumugtog ng saxophone na pinangarap mo dating matutunan ko. Kaso sayang tay, iniwan mo na ko.
Dami nagmamahal sayo, kita ko yan sa dami ng nagulat, nalungkot, nagdalamhati sa pagkawala mo pati na rin sa mga nagparangal sa yo.
Pasensya ka na lage kita pinaghihintay. Miss na miss na din kita kala ko nga magkikita na tayo ngayong bakasyon ko kaso naman umalis ka na. Ito na ang pinakamalungkot na nangyari sa buhay ko. Salamat parin tatay, alam ko masaya ka diyan kasama ang nanay Linda, mga magulang mo at pati mga kapatid mo at higit sa lahat kasama mo na ang diyos. Alam ko naman na malapit ka sa kanya, pagising mo palang alam ko lagi sya ang una sa buhay mo.
Salamat Tatay, mahal na mahal kita. Lagi kita mamimiss. Hanggang sa muli nating pagkikita.
No comments:
Post a Comment
Feel Free to comment..